ANG “WALANG
HANGGAN” AT ANG WALANG HANGGANG
ROMANTISISMO SA
PILIPINAS
Ilan buwan ding pinanonood at sinusubaybayan ng mga tao
ang pag-iibigan nina Emily at Marco at ng kanilang anak na si Daniel sa
kababata nitong si Katerina sa teleseryeng Walang
Hanggan sa ABS-CBN. Patunay nito ang malaking agwat ng rating nito sa mga
kalabang programa. Bakit nga ba humaling na humaling ang mga manonood sa
seryeng ito? Mayroong magsasabi na dahil
ito sa de-kalibreng pag-arte ng mga batikang artista tulad nina Susan Roces,
Helen Gamboa, Dawn Zulueta, Richard Gomez at iba pa. Para sa iba, kaabang-abang
ang mga eksena ng sampalan, iyakan, pagganti at pagkapanalo ng bidang si
Daniel. Marami ring nagsasabing kinikilig sila sa tambalang Coco Martin at
Julia Montes. Kung ako ang tatanungin,
hindi ito dahil mismo sa teleseryeng ito, kung hindi, bahagi lamang ang
teleseryeng ito ng mahabang kasaysayan ng romantisismo sa Pilipinas.
Likas na mahilig ang mga Pilipino sa kwentong pag-ibig. Utang
natin ang tradisyong ito sa pagpapakilala ng konsepto ng romantisismo noong
panahon ng mga Espanyol. Ayon kay Ruby Alcantara, sa Pilipinas, kapag sinabing
romantisismo kaakibat nito ang pagiging sobrang sentimental, pagiging martir,
pagsasakripisyo ng sarili para sa minamahal. Sa mga nakalimbag na akda,
masasabing unang manunulat sa ilalim ng romantisismo si Francisco Balagtas sa
kanyang Florante at Laura noong 1838. Walang hindi nakakaalam sa kanyang madamdaming
linyang nagsasabing, sa pag-ibig “hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Mula
sa panitikan ay dinala ang tradisyong ito hanggang sa telebisyon at pelikula. Kaya
naman simula noong panahon ng love team nina Susan Roces at Eddie Gutierrez
noong 1950s, Nora Aunor at Tirso Cruz hanggang kina Sharon Cuneta at Gabby
Conception, Judy Ann Santos at Rico Yan hanggang kina Coco Martin at Julia Montes
hindi nagsawa ang mga manonood na subaybayan ang pagkaapi at pakikipaglaban ng
mga pares upang matamo ang wagas na pag-ibig.
Ang kwento nina Daniel at Katerina ay nakita na sa iba
pang teleserye at pelikula. May isang magkababatang nagkaibigan. Ang isa’y
mahirap lamang kaya hinadlangan ito ng mga tao sa paligid nila. Sa huli
mananaig si kupido at ipagpapalaban ng dalawa ang kanilang pag-ibig. Samakatuwid,
ang serye ay sumusunod sa pormula ng mga kwentong pag-ibig sa Pilipinas. Kayang-kayang
hulaan ang mga susunod na magaganap; ang bida ay inapi dahil sa kahirapan, bumangon,
yumaman, bumalik dahil sa planong paghihiganti, nagwagi at natalo ang kalaban
ngunit hindi ganap ang kaligayahan dahil hindi kasama sa mga nakamit ang
minamahal. Kung paulit-ulit na lamang ang banghay ng mga teleserye, bakit
pinapanood pa rin ito ng mga tao? Marahil dahil hindi lamang biswal ang
panonood kung hindi sikolohikal din. Sa panonood ng kwento ng ibang tao o bida
nakakatakas ang manonood sa sarili niyang realidad. Nakakaugnay siya sa
magagandang nangyayari sa buhay ng bida at umaasang ganoon din ang mangyayari
sa kanya. Nakikita niya rin ang sariling sitwasyon sa mga paghihirap na dinaraan
ng bida at minsa’y nakapagbibigay pa ng sariling solusyon kahit sa harap lamang
ng telebisyon. Pinatutunayan lamang nito na totoong nagiging bahagi ng buhay ng
tao ang kanyang pinanonood. Kaya’t sa moralistikong aspekto, dapat na maging
maingat ang mga palabas sa pagtatahi ng kanilang kwento lalo na sa mga bahaging
kakikitaan ng panloloko, panalalamang, pagpapahirap at pagganti dahil hanggang nais
ng mga Pilipinong manonood na takasan ang realidad ng kahirapan, asahan natin na
magiging impluwensyal ang mga teleserye sa ating buhay.
“’Romantisismo, Estilong
Pilipino’ Itinatak sa Nobelang Tagalog”.http://www.panitikan.com.ph/criticism/romantisismo.htm